Monday, May 21, 2007

Pilipin Politiko

I am an amateur. When it comes to creating so many enemies that we need billions of dollars to protect ourselves, I'm an amateur.

When it comes to paying farmers not to grow food while people in this country starve every day, I'm an amateur.

When it comes to creating a drug policy that makes crack and heroin cheaper than asthma and AIDS medicine, I'm an amateur.

But there's nothing wrong with being an amateur.

* * *

How can you help the poor if you never been poor?

How can you stop crime if you don't know no criminals?

How can you make drug policy if you never smoked a chronic?

-Chris Rock's character, Mays Gilliam, from the movie,Head of State

Lahat ng tao gustong mamuhay sa tahimik na lugar. Mapayapa at yung talagang wala ka masyado iisipin at hindi sasakit ang ulo mo sa ingay na hindi naman talaga kailangan at OA na marinig. Wala akong kilalang tao na gusto ito. Maliban kay Former President Cory Aquino, kay James Yap, kay Joey Marquez at Philip Salvador.


Bata pa ko, naririnig ko na ang panlalait ng ama ko sa mga tumatakbong pulitiko sa bansa. ke lokal o sa mataas na posisyon, sigurado, may sasabihin yan. maaga akong naopen sa katotohanan ng mga nanloloko para lalong makapanloko ng tao, at mga taong naloloko para maloko pa lalo. loko no? pero ganun talaga kaloko ang katotohanan.

Isa sa mga napansin ko ngayong mga araw ay pag papalapit na ang araw ng halalan, may nangiistorbo sa mga kantang pinapatugtog sa radyo na ingay mula sa labas ng bahay. mga jingle ng mga gustong magpahalal na pinipilit ang pangalan nila sa mga sikat o sumikat na kanta sa panahon natin. tapos may message pa sa mga lyrics nila tungkol sa pagdurusa ng bayan, na sila ang dapat iboto, na kung ano ano ang magagawa nila para sa bayan at kung anu-ano pang ek-ek. at ang masakit, mas corny ang tono at mas pilit ang lyrics, mas natatandaan natin.

Hindi ko naman maintindihan kung bakit kailangan pang ipilit na gawing kanta ang kung anong paragraph na ginawa ng inday ng mga humahabol na taong ito. hindi ko kailanman nabasa sa books ko sa sibika at kultura at hekasi na nagpakawala ng mga karwahe si aguinaldo at me korni syang jingle para maboto syang kaunaunahang presidente ng pilipinas. malay ko ba kung me narinig sina bonifacio ng mga ganitong salita sa tono ng bahay kubo:


Aguinaldo
Kahit munti
ang magagawa sa'yo
ay sari-sari...

***

siguro kahit anong gawin ko hindi ako kailanman magiging senador o anu mang pinapaboto sa isang publikong lugar. buong buhay ko, tatlong beses ko lang nakuhang manominate sa mga posisyon na hindi ko naman kailanman pinangarap. dalawang beses akong class president nung college at seargent at arms ako nung high school. pero pag PRO, ewan ko lang kung may PRO na nagpapaboto ngayon, madalas yun. isa akong utusan. kung ilalagay ko ang sarili ko sa isang posisyon ngayon, sigurado pa sa katotohanan, hindi ako maboboto. kasi una, hindi artista ang tatay ko. hindi rin ako artista. hindi artista ang kahit sino sa direct family ko, at hindi ako boksingero. hindi ako singer, hindi ako sikat, hindi ako utuuto sa mga payo ng iba. hindi ako maboboto kasi ginagamit ko ang utak ko. hindi ako maboboto kasi aminado ako na gagamit ako ng pera ng gobyerno sa sarili kong kagustuhan na hindi tulad ng iba ngayon ay sabing hindi raw nila gagawin yun pero alam naman ng lahat na me kasama ng malawakan at sabsabang kurakot ng pera.hindi ako kailanman maboboto ng kahit anong posisyon kasi wala akong pera at alam ko kung mukha akong gago sa litrato ko na gusto nilang gawing poster ko at marunong akong tumanggi kung alam kong mukha akong kriminal sa magiging poster ko. hindi makikinig ang mga tao sa kin kasi, parang si eddie gil, mukha akong utuuto. hindi katulad ng iba na may sariling makeup artist sa tabi nila. wala talaga akong pakialam sa pagmumukha ko kasi hindi ako yung tipo ng tao na naglalagay ng sun screen lotion pag lumalangoy ako at nagbabakasyon. hindi ako yung type na nagaalmusal ng baka o kung ano mang lalampas sa presyo ng allowance ko nung highschool ang kinakain ko. in short, hindi magtitiwala ang tao sa kin kasi katulad ko lang sila, either kalevel ko sa estado ng buhay o mas mababa ako. hindi nila ko iboboto kasi at one point bago ang eleksyon, pareho kami ng iniisip na dapat ang mabotong leader at co-leader ay yung totoong tao, pero pagdating ng eleksyon ay wala ng pakialam kung sino pa ba ang maboto nya. nawawala ang pagkaderetso ng isip pag naloko na ng mabait raw na tao.

Maraming nagrereact sa mga masasamang tao ngayon. itong mayor na to, kung kelan papalapit na ang eleksyon, saka papagawa ang daan. itong barangay captain, hindi pa tapos ang pinapagawang bahay kaya hahabol pa ng isang term, kaya maglilibre ng swimming sa rest house nya sa laguna para makuha nya ang loob ng tao. itong senador na to, nagaklas dati sa gobyerno, me balak pumatay ng tao pero kailangan nating pagkatiwalaan para sa ikauunlad ng gobyerno. itong isang boksingero, nananalo lagi sa laban. marami na syang commercials na pinagmukha syang gago at pinagtawanan na ng marami at walang matinong edukasyon dati, pero dahil mayaman na sya at namigay na ng insurace, iboto na natin kasi marami naman syang advisers para mapaunlad nya ang lugar natin.

Kailan lang kakapintura lang ng pader namin. malaking halaga ang pagpapapintura ng pader sa labas. I swear. gusto kong irecord ang sinabi kong yon at magbato ng mga radyong may speaker sa mga bahay ng mga naglagay ng poster ng nagpapahalal sa pader namin. at kung nahalal man sila, kami pa rin ang maglilinis nun. kasi, uhm... wala akong mahanap na dahilan kung bakit. basta ganun yun. every election ganyan. gagastusan mo ang mga bagay bagay para mapaganda ang bahay mo, ito namang mga taong ito ang magdudumi. nagbayad sila ng barya para maging kulay mukha ni Ping Lacson ang bagong paint naming pader. pero hindi sila binayaran para tanggalin ang mga yun. siguro kung ako ang maboboto gawin ko ng whole body shot o kaya sukatin ko na ang bahay na pagdidikitan ko para makapagpose ako ng nakahiga at isang malaking poster ang nakalagay dun. mas hanep yun e. at least isahan. hindi yung ulit ulit na mukha ko lang. baka kasi may buntis na dumaan at mapagtripan akong paglihian e. pangit mukha ko at ayaw kong mahawa pa ang kung sinong bata sa face na to. baka madiscover pa ng talent manager at gawing bagong kontrabida sa bagong show ni richard gutierrez. at isa pa, kung sakali man nga, pag papapicture ako gusto ko leeg lang makikita sa kin. kasi leeg wala na sila magagawa. pag may ulo, pwede lagyan ng bigote. pwede lagyan ng sungay. pwedeng gawing duling. pwedeng gawing bungal, pwedeng lagyan ng word balloon, pwedeng gawing darth maul, pwedeng gawing praktisan ng tirador at pellet gun. pwedeng ihian, pwedeng dikitan ng kulangot, pwedeng punitin at gawing pangsiga, pwedeng maging basehan ng baklang nagtatrabaho sa salon ang buhok ko, at pwedeng ipamulot ng tae ng aso ang loose na poster ng mukha ko. masyadong precious ang pagmumukha ko para sa kin. hindi ako matutuwa kung makikita ko ang banners ko na binutas ng sigarilyo ang mata ko at nakangiti pa ko na sabit sabit don. ito lang ang reputasyon ko para pagkatiwalaan ako ng tao.

madalas nating marinig ang pangako ng mga humahabol na to sa mga meeting de avance nila. maraming pangako na madalas ay wala tayong nakikitang natutupad. hindi na bago ang mga ganitong issue sa atin. pangako ko, tatanggalin ko ang baha sa bayang ito! pangako ko! wala ng krimen sa barangay natin!! pangako ko!! wala ng droga, wala ng rape, wala ng ek-ek!!! ulul! kung gagawin mo talaga yan, ipakita mo muna na kaya mong gawin. maraming pera ang gobyerno. kung ibebase ito sa equilibrium ng pamahalaan, kalevel dapat natin ang japan sa kaunlaran ngayon. ang kaso, nasimulan ng mabuksan ang pagiisip ng tao sa katotohanan na madaling yumaman at masarap ang buhay pag pumasok ka na sa pagpopolitika. hindi ko sinasabing lahat ng tao sa politiko ganun. oo maraming magrereact kung sinabi kong may politikong malinis ang kamay. meron din nun! kala nyo... wala nga lang sa pilipinas.

ilang barangay captain na ang pinatay sa probinsya namin. bago pa lang mageleksyon may sinabi na ang isang kilala ko na yang mga nabigyan ng pera na barangay captain papatayin kapag hindi nanalo ang nagpaboto. ayan na nga. siguro parte sa kin hindi na nabigla. pero dinaan na nga sa pandaraya, hindi pa nanalo. malaki na ang nawala sa kanya at hindi na sya natatakot gumamit ng karahasan. siya na lang ang bahalang mangatwiran sa paghusga sa kaluluwa niya.

sa pangangampanya nila, sasabihin nila na dapat, wala ng squatter sa bansa. hehe... dito ako napapahalakhak e. siguro dapat muna nilang pagaralan dito ang life cycle ng squatter. o, ngayon ka lang nakarinig ng life cycle ng squatter no? ganito yun, syempre una hahanap ng lote na mapaggagawan ng bahay yan. once nakatirik na ang bahay nyan, simula na!

LIFE CYCLE NG SQUATTER:

25, pagkatapos gumawa ng bahay, gagawa ng anak.
25, pagkapanganak ng asawa, gagawa ulit ng anak.
26, same as above.
26 and nine months, same as above.
27, maiisip nyang malungkot ang buhay nya kaya yayayain ang buong angkan na makishare sa loteng nakita nya.
27 and five months, makikita na nya araw-araw ang lahat ng kamaganak nya
28, gagawa ng anak
29, sawa na sa dami ng toddlers kaya gagawa ulit ng babies.
30, putok na ang atay dahil sa kaiinom. ibebenta si bunso panggamot.
31, irereplace si bunso. gagawa ng bagong bunso.

.. dito na rin ituturo kay junior ang secrets of being a squatter. ito naman ang bagong generation.

LIFE CYCLE OF A SQUATTER - THE NEW AGE:

from birth to 4 years old, tatae, iihi, maglalaro, sasabat sa mga sasakyan. lahat ng activities na yan sa kalye ginagawa.
5, tutulong na sa magulang sa pagtatrabaho. ito na rin ang future nila. kung nagpedicab driver si tatay, pedicab driver si junior. kung naglalaba si nanay, maglalaba si neneng.
7, sasabak na sa pagtatrabaho.
9, manliligaw na.
13-14, magkakaanak na. laging una yan bago kasal. yung iba gastos pa raw ang kasal kaya bahala na.
15, anak na ulit.

..and the saga continues.

dito mo na makikita ang squatters of the new age. ito yung dadaanan mong lugar sa inyo na amoy bareta ng sabon at uu na pinagsama, amoy lupa na pinagtakpan ng tae ng bata, amoy dumi ng kabayo, puro labahan sa labas, may mga palanggana sa daan, may mga tambay na matanda na walang pantaas at may good morning towel na nakaangkla sa leeg. Maraming bata sa daan at nakikipaglaro kay kamatayan at naghahabulan sa harap ng mga dumadaang sasakyan. may mga babaeng hindi mo alam kung ang tingin sayo e masama o galit lang sila sa nangyayari sa kanila. may mga batang dumudumi sa daan, may mga pintura sa pader na hindi ko kailanman maintindihan kung bakit kahit saang lugar ka naroroon, palaging ang mga nakavandal ay parang sinapian ng mga salita ng bisaya. bawal umehi dito, post no bell... maraming drawing na gawa madalas ng pula at itim na spraycans, maraming dumi sa gilid. hindi ko kailanman nagustuhan ang lugar namin ng may squatter. laging pag dumadaan ang pedicab ko sa munting daan na yon, hindi ko mapigil magisip ng kung bakit nandoon pa sila at kung bakit iisa lang ang amoy ng kanilang lugar. oo, alam kong hindi naman talaga nila kayang mabuhay sa katulad ng pamumuhay nating mga middle-class, pero wala rin tayong magagawa. Siguro kung ako ang nawalan ng pera, ganun din siguro ang way of living ko ngayon. ito ang literal na ibig sabihin ng no choice sa buhay. kung alam mong pinagiisipan ka na ng masama ng iba, wala kang magagawa kundi magtengang-kawali dahil ito lang ang paraan para mabuhay ka. Pero hindi naman ibig sabihin nito na kailangan na ring maggive-up ng pamilya mo. Pare, marami nang paaralan ngayon ang nagbibigay ng libreng edukasyon. Oo marami na sa mga batang palaboy ngayon ang nakakapagaral. pero hindi nila tinatapos ang kanilang pagaaral.

kung meron man lang sanang isang paraan para mapaalam sa kanila na ang edukasyon na libreng ibinigay sa kanila ay ang magaangat sa kanilang pamilya sa darating na panahon, sana makita na natin yon. ang hirap, masyado ng maraming bata ang nakikita ang naging buhay ng kanilang mga magulang. bakit nga ba naman sila kailangan magaral kung nakikita nilang kumikita naman kahit paano ang kanilang tatay para mapakain ang kanyang pamilya? bakit nga ba sila magpapagod magaral kung nakikita nilang tamad ang nanay nila at nagmamahjong lang at tongits sa gabi? kung nakayang magtaguyod ng pamilya ang mga magulang nila sa ganoong klaseng pamumuhay, bakit sila kailangan pang magaral kung ang sarili nilang magulang hindi rin nagtapos? ganitong klaseng pagiisip ang mahirap baliktarin sa mga panahon ngayon.

Nung dati na nakita kong nagkaroon ng second floor ang mga squatter sa min, lalong kumulo ang dugo ko. isa ang lolo ko sa mga assistant ng barangay captain non at alam kong wala silang titulo sa lupa na yon. bakit sila nandon? hindi ko alam. basta alam ko meron na lang tao doon na nakatira na kulay brown ang bahay dahil gawa lang sa tagpi tagping kahoy ang mga pader nila. ano na lang ang naramdaman ko nung naging sementado na ang bahay nila. grabe! tapos lumaki na rin ang pamilya nila. naging single lane ang daan sa harap nila, na lalo pang sumikip dahil dun pa nila pinarada ang mga pedicab nila at doon din naglalaba ang mga nanay sa tabing daan, at doon na rin naglalaro at umuuu ang mga bata.


Ang nakatira doon ay naging kaibigan ng tatay ko. nakasama rin namin sya. lampas isang taon na ng makulong sya sa paggamit ng bawal na gamot. ilang beses na rin syang labas-pasok sa selda. everytime lalabas sya, may maganda na syang napasukang trabaho. ang pinakahuli ay janitor sya sa ospital. maganda na ang nakuha nyang hanapbuhay. pag nagtatrabaho sya samin bilang grass cutter o may pinapaayos kami, lagi syang may bonus. pag pasko, tibatiba sya. Hindi ko kailanman maintindihan kung bakit kung sino pa ang higit na nangangailangan ay siya pang nakakahanap ng pera para lalong sirain ang kung ano na ang napaghirapan nya. ngayon ay nakakulong na sya, at hindi na kailanman makakalabas. at sa dating, mukhang alam kong malapit na syang makaexperience ng reunion sa pamilya nya.

sabi nga ng isang kaibigan ko nung nakasama ko siya, ano pa bang expect mo sa mga batang squatter? walang pinagaralan ang magulang, wala silang pinagaralan. natural na ang mga yan na walang modo. oo naiintindihan ko siya. pero isang parte sa kin umaasa na magiba ang mga batang ito. nakabasa ako ng isang article tungkol sa kanila. wala ng ibang ginawa ang magulang nila kundi maganak ng maganak. alam na nila na mahihirapan silang pakainin ang mga anak nila, gagawa pa sila ng isa. sabi nga ng iba, the rich becomes richer, the poor becomes poorer. lahat ng ito ay sa sarili nilang kapakanan. may mga bagay na akong nagawa na hindi ako proud na ginawa ko. pero alam ko kung pano kontrolin ang sarili ko kapag nakaramdam ako ng urge para gawin ulit ang mga ito. kung naghihirap na ang pamilya mo, wag ka ng gumawa ng dahilan para lalong mamatay ang pagasa ng pamilya mo. kapag mayaman ka na, gumawa ka naman ng paraan at magreachout ka sa mga taong pinandidirihan mo. ang mga walang modong batang ito ang magiging kriminal isang araw at papasok sa bahay mo, pagnanakawan ka, papatay ng ilan sa mga kilala mo. kailangan mong maisip yon. mayaman ka na at matanda. alam mo na ang mga priorities mo. simpleng pagtulong mo sa iba ay para mo na ring pinrotektahan ang syang yaman mo.

***

Legacy. Sabi nila dito, 20% lang ng mga pinoy ang mayayaman. bakit kailangan mo mapabilang sa 80% kung pwede ka naman sumali sa kanila sa halagang pwede ka na maginvest ng small business at konting pagpursigi lang ay mapapalaki mo na? dalawang beses na akong nakapunta sa Legacy na ito. papamanghain ka nila sa mga biglang pagbabago sa buhay nila. laging sasabihin na may kotse na sila sa labas, tatanungin ka kung ano pangarap mo at ipapakita sa harap mo kung kailan mo makakamit ang pangarap mo basta lang makapagdala ka ng maraming tao sa lugar nila. tapos, in the end, sasabihin nila na hindi sila pyramiding scam. oo siguro hindi sila scam, pero pyramiding pa rin. yung sa pangalawa ko, muntikan na naman ako maghagilap ng malaking halagang pera para makasali lang. oo, ganun sila kagaling magkumbinsi. sinabi pa nung isa, kakakuha lang nya nung cheke nya na pwede na ko makabili ng isang magandang gundam. tinanong pako kung unang beses ko. sabi ko hinde. sabi nya, kung nagbigay ka na pala dati, kasama na kitang kumukuha ng tseke ngayon. tangnanaman... iba ang naramdaman ko non. sobrang panghihinayang ko non. pero alam ko na dati pa kung pano tumatakbo ang business na to. or at least nagassume ako ng pinakamaiging paraan para iexplain ko sa sarili ko na walang future sa ganyan. magbibigay ka ng malaking halaga, tapos masasama yon sa pondo ng kumpanya. sa dami ng napapasok na tao sa kanila(hindi lang iisang lugar to. me nakita ako ng ganito sa probinsya), marami ring pumapasok na pera. dyan nakukuha ang hati-hati na ibabayad sayo sa bawat tao na napapasok mo. natututo kang magpilit sa iba na ipusta na nila ang pera nila para yumaman sila. hindi ako pumatol sa ganyan kahit alam kong marami akong kaibigan. ngayon, na halos dalawang taon na ang nakalipas mula nung sinabihan ako nung magaling na bat di raw ako nagapply nung unang beses, tinanong ko yung kaibigan ko kung napano na sya. hindi na raw tinuloy. wala raw mapapunta. pati yung boyfriend nya na naging parang reminder sa cellphone ko na text ng text maya't maya tungkol sa pagbigay ko ng pera, hindi na rin tinuloy. pati yung unang nagpapunta sa kin, hindi na rin tinuloy. bakit? kasi hindi ikaw ang habol nila kundi ang pera mo lang. wala naman silang pakialam sayo e. basta makuha na nila yung halagang makakapagpasaya sana sa mga nasalanta ng bagyo, o makapagbigay ng matamis na ngiti sa mga batang nangangailangan ng silid-paaralan. oo alam ko yung ibang nagbabasa nito may masamang reaction sa mga sinabi ko. aware na ko doon. tawagin nyo na kong tanga sa hindi pagsali, pero kaya kong mabili ang lahat ng gusto ko sa sarili kong paraan. kung gusto kong maging parte ng 80%, yun ay aking pagnanais. wala akong pakialam sa 20% dahil sila ang madalas manakawan, madalas mapatay dahil sa kayabangan o pagpapapansin, madalas masira ang buhay dahil sa kung ano anong nabibili ng pera nila, at madalas mawalan ng pamilya dahil nabubulag na sila sa laki ng pera nila. Hindi porke politiko ka, kailangan mo ipangako na yayaman ang mga taong hahawakan mo. kasi hindi importante na mapayaman mo ang mga pamilya. ang importante ay mapamuhay mo ng matiwasay ang mga nakatira sa lugar na hawak mo.

***

kung alam lang talaga ng humahabol na tao ang kailangan ng bansa, siguro alam na ng tao agad na karapat dapat syang mahalal. kung ako ang tatanungin, hindi rin naman kasi ang pera ang problema sa ating bansa. siguro kung ako ang hahabol, una kong aayusin ang transportasyon. oo. transportasyon. isang maliit na bagay na kapag naayos, magkakaroon na ng chain reaction para sa pagangat ng ekonomiya.

sa ngayon, araw-araw akong naguuwian mula sa trabaho ko dito sa maynila hanggang sa bahay ko sa pampanga. araw-araw. oo nakakapagod, pero hindi ako nagrereklamo. ang nirereklamo ko lang ay, sa ngayon, bakit ata nakalahati na ang bilang ng mga bus na pumupunta sa manila? malaking bilang ng tao ang nakikita ko araw-araw na lumuluwas. dalawang linggo ko nang nakitang parang edsa revolution ang sakayan ng bus sa min. hindi lang yon. aabutin ka ng isang oras para lang umabot sa kokonting distansyang byahe.


tumira ako sa olongapo ng isang taon. sa maniwala kayo't sa hindi, hindi ako kailanman nakaranas ng traffic sa lugar na yon. bakit? kasi sa maraming factor na ginawa nila para sa ikauunlad ng bansa nila. alam natin na isang magandang lugar ang olongapo. at kinabiliban ko dito ang kalinisan ng lugar. disiplinado ang tao. walang traffic. color coded ang mga jeep para hindi lang yung mga basta-basta ang masakyan mo. alerto ka lagi sa ginagawa mo. siguro dapat maging ganito na ang bansa natin.

maraming pera ang bansa. alam natin yun. napupunta lang sa mga naluluklok sa posisyon. alam din natin yun. siguro kung ako ang naboto, gagamitin ko ang pera para bigyan ng sweldo ang mga drivers ng jeep at bus. oo. sweldo. gagawin kong inaapplyang trabaho ang pagiging driver. at bukod doon, mayroon din silang libreng rasyon ng gasolina. kaya nating lahat na isagawa to akala nyo. ganun kayaman ang pilipinas kung walang kurakot. anyway, so yun, kung wala ng inaalalang boundary ang mga driver, wala na silang inaalalang pasahero. wala na yung kada kanto titigil at maghihintay ng labinlimang taon para may sumakay na isang tao. at wala na yung kahit isa na lang ang kulang ay ipagpipilitan pang itambay ang sasakyan nya sa mga lugar na maraming sumasakay. nakakacause ng traffic to bossing. at nakakainit lalo ng ulo ng mga pasahero.

lahat ng mga jeep din, kailangan na rin ipagawa. siguro papagawa kong parang bus type ang mga upuan ng mga jeep. para wala na yung pituhan, waluhan, syaman... wala na. para rin mawala na yung mga nakakairitang tuhod na tatama sayo. wala na rin yung mga hipokritong nakaharang ang tuhod o paa tapos parang walang ibang nakasakay o sasakay sa sinasakyan nila. at may rules na rin akong ipapatupad na hangga't hindi ka pinara ng pasahero, wag kang titigil sa tabi ng daan. at dapat, ito hindi lang mga drivers ang sakop, wag basta basta bumababa sa kahit aling lugar. may mga puj stops. gamitin natin. yung iba kasing abusado, iilang hakbang na lang talaga, papara pa ulit. sigurado nakaexperience ka na nito. yung may pumarang isang tao, after a few feet, papara ang isa. di bale sana kung matanda sya o disabled. pero yung mga tipong matibay pa kay swaseneger, nakakairita na.

isa pang nakakairita yung mrt. oo mabilis na transportation, pero grabe ring makapagpainit ng ulo. bakit ba everytime nasa north avenue station ka, minsan lalampas ang isa o dalawang tren? overheated? hindi siguro. kasi sa taft station hindi ganyan. nasa gitna ang babaan at may choice ka lagi ng sasakya. hindi yung iipunin muna nila ang daan daang tao sa station tapos hahayaang magsiksikan sa loob. hindi lang tatatlo ang stasyon ng tren mga tsong. may mga naghihintay din sa kabila. kung tuluy-tuloy ang production nyo at wala ng hintayan pa, mas giginhawa din ang pakiramdam naming mga pasahero.

Ang transportasyon ang magiging factor ng pagangat. wala ng malelate na empleyado, wala ng magmamadaling makipagsiksikan pa sa lahat ng sakayan. mas gagaan ang loob ng tao at hindi mababawas ang sipag nila sa pagtatrabaho. ganun kalaki ang epekto ng magaang transportasyon. walang problema sa flyovers. kung ano man ang magpapadali ng ating pagunlad, gawin natin. Wala tayong marereklamo kung sasabihin nating masikip sa mata. maliit ang bansa natin kumpara sa america. maliit ang bansa natin kumpara sa japan. kung may mga higanteng nakatira sa mga kontinente, sala nila ang america, kusina ang africa, masters bedroom nila ang russia at bakuran nila ang china. ang pilipinas ay simpleng palaisdaan lamang ng mga alaga nilang pandaca pigmea. ito ang napagkaloob sa tin. kung hindi natin susulitin at uunahin natin ang sarili, wala talagang mangyayaring maganda.

baha. sino ba naman ang hindi pa nakaranas nito? siguro yung mga taong nagtatanim ng kamoteng kahoy noong panahon ng paggawa ng banawe rice terraces naranasan din ito. syempre ano pa ba ang pinakasasabihin ng mga tao kung bakit nangyayari to? e kasi puno na ng basura ang mga kanal. e kasi kulang ang espasyo para palalimin pa ang kanal. e kasi teacher, yung mga puno po pinuputol ng mga bad people tapos wala ng pong sisipsip sa tubig-ulan na bumubuhos.. lahat ng ito ay katotohanan. at lahat ng ito ay gawa ng tao. kung gawa ito ng tao, may paraan din para madivert ito. bakit hindi natin palakihin ang mga kanal? as in yung parang pwedeng magkaroon ng mall ang mga daga? para magkaroon din ng space para dumaloy ng maayos ang tubig. takpan lang ng maayos. magkaroon tayo ng live sewage system. dito na rin iroute ang mga kuryente at iba pang lines natin para walang naaapektuhan tuwing bumabagyo. gumawa ng mga paraan para dumaloy ulit ang mga stagnant water systems natin. may ilog kami sa probinsya. krudo na ang laman. dito na yata kumukuha ng pera ang bansa para makipagtrade sa iba pang bansa. promise! sa sobrang itim maiisip mo ito yung lumalabas dun sa paghuhukay nina bruce willis sa pelikulang armageddon. ganun kaitim. at isipin mo na lang pag malakas ang ulan. hindi na nga umaagos, aapaw pa at maapakan mo. sakit, sakit at maraming sakit pa ang mararanasan. pwede ring ikamatay. kung ibabacktrack mo, maaari mong sabihing, "Uy, namatay ang kapitbahay namin kasi sa balat ng kendi." Maraming pera ang gobyerno. napupunta lang sa maling lugar. nahahawakan lang ng maling kamay.

tag-ulan na. dadami na naman ang lamok nito. makikita mo na naman si mel tiangco na magbibigay ng warning sa publiko na wag magiwan ng mga bagay na makakaipon ng tubig-ulan at pwedeng pagitlugan ng lamok. tapos isang araw sa susunod na linggo papakita na ang toll ng mga namamatay sa iba't ibang sakit. tignan mo nga naman. ang telebisyon ay isa sa mga pinagtutuunang pansin ng mga tao ke mayaman o mahirap. at maganda ang lubusang pagpapahayag ng mga balitang ganito. may warning sa nagbabantang pagmulan ng gastos. anong ginagawa natin? hihintayin lang natin na magkakaroon ng sakit ang isa sa mga kasama natin para matauhan lang tayo. ganyan ba talaga dapat lagi? oo may mga bagay sa loob ng bahay. nandyan si pareng raid at baygon. nandyan din si katol at kulambo. sila ang spada at shield natin laban sa gastos sa ospital at gamot. sa tinagal tagal ng panahon, pilit silang gumagawa ng paraan para maprotektahan ang bahay natin. syempre lalo na yung mga nakatira dito. matagal na panahon na mula ng gumagamit ang mga tao nung bilog na dark brown tapos sasaksakan mo ng green at blue na bala na mukhang v-fresh. kontra ipis. nandyan na rin ang mga ilaw at spray kontra lamok. marami na naimbento. lagi tayong bumibili ng mga bagay na to. pero simple lang ang sinasabi ni mel tiangco. wag tayong magiwan ng mga bagay na pwedeng pagitlugan ng mga lamok. isang simpleng bagay na hindi natin lahat ginagawa. nandyan na ang mga simpleng bagay na makakapagbago sa mundo natin pero hindi tayo aware sa mga ito dahil diverted ang mga atensyon natin sa mga bagay na sa tingin natin ay mas importante.

***

isa pa sigurong makakatulong sa tin ngayon ay ang isa pang business center katulad ng cubao. hindi ko sinabing panibagong business center. ibig kong sabihin ay magpalaki na ng mga lugar na kahit lumuwas ang mga taga-manila sa cebu ay hindi sila manghihiyang. hindi yung lahat na lang ng tao sa bansa naghahanap ng trabaho locally sa manila. maraming lugar dito ang pwedeng pagtayuan ng mga offices. gamitin natin. wag nating ibigay sa squatters. bigyan natin ng mapagtatrabahuhan ang mga squatters at sa gabi ay mayroon silang center na mapagtutulugan. kaya nating gawin to. walang masama sa pagtutulungan. nasa pride lang naman ng tao na magtrabaho na may kasamang mga tao na hindi sa level ng pamumuhay nya. pero kaya namang maovercome ang ganyan. wag sanang makitid ang pagiisip natin. kung gusto nating umangat, matagal nang nasa ating mga kamay ang kapangyarihan para magawa ito.

hindi na natin kailangan ng panibagong rizal, bonifacio o superman. hindi natin kailangan ng mga pangako ng mga nagpopolitiko para lang sila na ang makakuha ng pera ng mamamayan. sabi nga ni V, hindi dapat matakot ang tao sa sarili niyang gobyerno. ang gobyerno ang dapat matakot sa mamamayan nito. buksan natin ang ating isipan. hindi tayo utu-uto para pabayaan lang nating mamuhay tayo sa kahirapan. nasa kamay mo na ang pagbabago, wag mo nang punuin pa ng ibang bagay ang kamay mo. makakamit mo rin ito isang araw. hindi lang isang gabi ang pagbabago. pero mas madali itong makakamit kapag nagtulungan ang lahat ng katulad mo.

No comments: