Sunday, May 20, 2007

Mga Bagay Na Masasabi Ko Sa Buhay

Oras na rin siguro para makagawa ako ng isang article na tulad nito. may mga oras na rin kasi na iniisip ko, nasaan na kaya ang mga kaibigan ko? oo yung iba alam ko kung san napadpad, pero yung iba, na alam kong hindi man ako kilala na, iniisip ko rin saan na sila dinala ng buhay.

This week lang, nakachat ko ang isa kong barkada nung gradeschool at nakuha naming magreminisce sa mga nangyari nung mga totoy pa kami. At nalaman kong nuknukan pala 'ko ng kagaguhan nun. bata pa lang ako, mahilig na ang lahat ng klase ng panghampas sa akin- ratan, sinturon, tsinelas, sapatos, sapatos na may takong, sapatos na ineendorse ni jordan, patpat, kamay, handle ng walis tingting na may hawakan, walis tingting mismo, tambo, dustpan... lahat na naranasan ko. ganun ako kalikot noong bata ako. at pwit pa lang ang target ng mga yon. wala pa ang ibang parte ng katawan.

Halos lahat na ng mga kilala ko, nakagraduate na. yung iba, registered nurse na, yung iba kukuha pa lang. may ibang nagtatrabaho na sa malalaking kumpanya, yung iba, magrereview pa lang para sa engineering. may ibang, tulad ko, e napadpad ng medyo tagilid sa course na kinuha nila nung college, may iba rin naman na marunong nang magpalit ng lampin at magpadede. may gustong mag-aral ulit, may ibang nasa ibang bansa na, may ibang nakaranas nang mag-ibang bansa at ibang nakaranas kung pano madeport. sa panahong ito, halos lahat na ng mga nakasama ko nung nag-aaral pa ko, nag-uumpisa ng isipin kung ano ba kami nung bata pa kami. sigurado at tumpak, mamimis nyan ang bakasyon pag summer at sem break, lalo na pag pasko. yung tipong, hihilata ka lang maghapon, manonood ng tv, magliliwaliw sa mall, magsuswimming ng barkada... tipong magrerelax lang magdamag matapos ang halos ilang buwang pagpipirmi ng utak sa mga pahina ng libro at notebook at mga papel na sinasagutan at iba iba pang mga problemang dulot ng edukasyon. mga problemang lahat ng taong naging estudyante ay dinaranas every schoolyear na nagdaraan. mga problemang automatic at obligadong maexperience ng bawat estudyante. tulad ng pagkuha ng upuan at table sa canteen.

MGA BAGAY NA MASASABI KO NUNG GRADESCHOOL

kailangan talagang magaral ng lahat ng tao. tinuturuan pa tayo ng time management ng ilang teachers para wag raw tayo mawalan ng interes sa pagaaral pag naglalaro tayo o gumagawa ng ibang bagay. hindi ko kailanman sinunod ang sinabi nila. nung grade 4 ako at sa library kami nagkaklase nung nagkalahar samin, pinagawa kami ng table ng time management sa isang one whole sheet of paper. wala akong maisulat kasi alam ko, mapapahiya lang ako sa discussion namin. isipin mo, kung gagawa man ako ng time frame ng isang araw ko, ganito siguro yun:

TIME FRAME NG ISANG ARAW:

AM

5.30 Wake Up
5.31 Sleep again
5.42 Sleep while being hurt by mom's pinch
5.43 Take a bath
5.45 Wear my uniform
5.50 Eat my breakfast
6.00 Wait for my service
7.53 Ride my service
8.19 Apologize for being late (Good Morning teacher, good morning classmates! I'm sorry for being late! *bow*)
12.00 PM Go home.

ngayon, sa isang natural na magaaral, matutulog sya at magaaral na pagkagising o matapos magmeryenda, o meron din na iba ay maglalaro at manonood muna ng TV at magaaral bago matulog. pero kung itutuloy ko man ang schedule ko, ganito na siguro yun:

12.30 Eat lunch
1.00 Watch TV/ Drawing (whichever comes first)
2.00 Watch Mara Clara
3.00 Watch FLAMES
4.30 Watch Ang TV (Idol si Paolo Contis)
5.00 Play outside
6.00 Watch Eye to Eye (Saranghameda, Bo)
6.30 Eat dinner
7.00 Take a bath (Bawi dahil 2 minutes lang naligo nung umaga)
7.30 Watch Captain Planet
8.00 Watch Quantum Leap/ Outer Limits
8.30 Watch McGyver/ Thunder in Paradise
9.30 Watch Simpsons/ Twighlight Zone
9.45 Sleep

pag bakasyon, palitan mo lang ng pagsunod ng utos ng magulang, panonood ng mighty mouse at woodywood pecker, paglalaro sa labas at paghuhukay ng kahit ano sa may likod bahay ang oras ng pasok ko. makulay ang araw ko no? hehe... kaya nga kahit anong premyo ang iaalay sa kin ng nanay ko, hinding hindi ako umaabot kahit top 20 lang ng klase ko. pwera na lang nung highschool. rank 7 ako lagi. kaso 4th section.

problema lagi sa bahay pagkabalik ng papel ko at hindi pasado ang grado ko. laging pinapaskil ng nanay ko ang pad papers namin ng kuya ko pag bagsak ang grado. yun ang mga pinakaunang posters na nakadikit sa dingding namin. mga gradong hindi umabot sa 80+. proud naman kami kahit papano at kahit hindi kailangan. kasi sa gabi ipapractice naman namin ang pagsusulat para hindi mukhang kinalkal ng manok ang sulat namin. at Bible ang sinusulat namin. ganun kami katindi nagtraning.

minsan nang ipinatawag ang mama ko dahil sa isang kalokohang ginawa ko. yung teacher ko nung grade 3 ako, si Ms. Sicat, nagchecheck kasi ng lecture yon. depende sa nasulat mo, bibigyan ka nya ng VG, G, at Inc. sa nalecture mo. at lagi yon! e kaso ako hindi naglelecture talaga. nung sinabi nya na kailangan ng parent's signature sa end ng 4th quarter para sa lecture sa notebook, nagpanic ako. takot ako sa magulang ko e. ang ginawa ko, bumili ako ng red ballpen na panda at ginaya ko ang sulat nya na VG sa notebook ng kuya ko noong grade 3 pa ang kuya ko. nagaya ko nung mga unang parte. kaso nakakasawa palang maglagay ng VG sa lahat ng pages. ganun ang balak ko kasi, pag may VG na, saka ako maglelecture. e nung natapos ko na ang notebook ko sa kakaVG, nangalay na ang kamay ko. hindi na ko nakapaglecture. kinabukasan, akala ko hindi pa kukunin ang mga notebook. lintek, one to one pa ang interview! ako naman kopya ng kopya! tapos nung ako na, nakarami ako ng sulat since R-Rivera pa ko. salamat sa nakaimbento ng alphabetical system. sa dami ng nasulat ko (2 pages), wala na akong choice. mabilisan kong finlip ang mga pahina ng notebook ko para mapakita ang mga VG ngunit alam na ata ni Ms. Sicat ang ginawa ko. bigla nyang inopen mula sa likod at tinanong ako kung ano yung mga VG na nakasulat sa blankong pahina. at hindi raw nya sulat yon! malaki kasing maglagay ng VG si Ms. Sicat. Sinlaki lang ng diyes sentimos ang VG ko. at hindi red panda ballpen ang gamit nya, red pilot sign pen. at ang kapal raw ng mukha ko na VG pa ang nilagay ko. sabagay, hanggang G lang ang nakukuha ko sa kanya. so ayun, pinatawag nga ang magulang ko. wag nyo ng alamin kung ano ang ginawa sa kin ng nanay ko.

isa pang masayang pangyayari kay Ms. Sicat e nung minsang sinabi niyang pupunta sya sa Principal's Office dahil may teacher's meeting daw sila. "Sleep!" ang sinasabi nya para ilapat namin ang ulo namin sa mesa at matutulog, o magkukunwaring matulog. ginagawa nya to pag may bisita sya o kung may pupuntahan para wag kaming magingay at kami naman ay parang sundalo na kahit kumakain ka o tumatae e susundan mo ang opisyal mo. pagalis nya, ayun! tumayo na kaming mga lalake at nagkayayaang magtaguan. hindi ko na matandaan kung sino ang taya non, pero alam ko kung saan ako nagtago. may mga pinagawang cabinet kasi non sa likod ng kwarto para maiwasang maalikabukan ang mga electric fan. at since nakalabas ang mga electric fan at gamit ng buong klase, dun ako nagtago. fool proof plan ang nasa isip ko! sino ba ang magaakala na may magtatago doon. pagpasok ko, madilim pala sa loob ng cabinet. at walang siwang na pagpapasukan ng hangin. tinipid ko na lang ang oxygen na present sa mumunting bartolina na pinasok ko. ngingiti ngiti ako nung una, at puro vibrations lang ng tunog ang naririnig ko sa loob kasi walang mapagpapasukan ng tunog ang lugar na yon. ang ngiti ko, umabot sa pagkairita. oo masyado ako magaling magtago. hindi pa nila ako nahahanap. pero may ideya na namang pumasok sa mumunting sabitan ng pituitary gland ko. at yun ay bubulagain ko ang mga kaklase ko. astig! para isipin nila, o nga no? pwede pala doon magtago. so yun! isa, dalawa... at biglang may nagbukas ng cabinet. ngiti ako siyempre at sa wakas ay nahanap nila kung saan ako. tapos, si Ms. Sicat na pala. naka puting damit at may pulang kwelyo. magaling pala sa taguan si Ms. Sicat...

iba naman ang problema ng tatay ko. ang tatay ko naman, pihikan sa papel ng notebook. lagi nyang tinitignan kung may mga nilecture nga ba kami. ako ang madalas nyang pagbuntungan ng init ng ulo nun kasi mahilig na ako sa art dati pa. laging may nakadrawing na batman at spider-man ang mga pahina ng notebook ko. at ang paghuhusga ng tatay ko ay kakainin ko ang pahina ng notebook ko na may drawing. ginawa ko minsan yun nung dinrawing ko ang megazord sa dalawang pahina ng notebook ko. kasi malaki sya, dalawang pahina agad ang sinubo ko. lasang tuyong balat ng mansanas na may tinta ng blue ballpen(kahit na iisa lang ang lasa ng tinta). tapos hindi lang don natapos ang parusa ko. habang nasa bibig ko ang papel, pinabili pa ko ng dalawang phillip morris. tapos wag ko raw tangkaing tanggalin ang mga papel dahil kilala nya ang nagtitinda (si Aling Alma) at tatanungin kung tinanggal daw ba ang papel sa bibig ko nung bumili ako. ayun tuloy, napagkamalan pa kong gagu ni Aling Alma at hirap na hirap akong bigkasin ang "Pabili po ng dalwang Phillip" sa harap nya. subukan mo. kung hindi ka nahirapan, explain mo sa kin ang ginawa mo. kaya nga iniisip ko kung ano pa ang gagawin ng tatay ko nung college ako. kasi puro drawing na talaga ang notebook ko. Fine arts kasi ang kinuha ko. pero buti na lang hindi na sya nagyoyosi nun. kundi ako lang ang kaisa isang college student na kumakain ng papel.

MGA BAGAY NA MASASABI KO PAG SUMMER VACATION

Isang pinakahihintay ng isang estudyante ang summer vacation. wala ka ng gagawin. maglalaro at gagawa ka lang ng gastos ng halos dalawang buwan. nung dati at wala pang Playstation o PC games na mapagbubuhusan ng oras, at wala pang mall na malilibutan, inuubos ko lang ang oras ko sa bahay. pag walang maganda sa TV (hindi pa uso ang cable noon), hahanap ka na lang ng makakain o maiinom na tamang makakapagpalamig sayo. pag summer vacation na at may buko sa ref, gagawing juice. may melon, gagawing juice. yung mangga at avocado, masarap gawing shake. pag may yelo, gumawa ng halohalo at mais con hielo. kahit hindi na durugin ang yelo makakain lang ng malamig. natatandaan ko nun yung pinsan ko na hinambalos lang ang yelo sa pader at kahit malalaki ang chunks ng yelo na nakuha nya, nilagay nya pa rin dun sa halohalo na ginawa nya. hindi ko na tinanong kung ano pa ang sangkap non. basta painom inom sya ng ilang sabaw at sinisipsip ang yelo. kailangan talaga natin ng lamig kapag summer na. mahirap na magpabook sa resort pag biglaang lakad. syempre ayaw naman ng mga kasama mo na lumangoy pag may araw. magkukulay mandaragat sila. kaya dapat seryosong night swimming ang maganap para naman sulit na may inuman at kwentuhan pa sa gabi. yun nga lang, kailangan na magpakabait at maging butihin kang anak. kasi kung wala ka namang trabaho at wala kang ipon, o kung may ipon ka naman, ayaw mo naman galawin, kailangan ka rin humingi ng pangouting mo. pero once na pinayagan ka na, iisipin mo na lahat ng posibleng mangyari sa outing nyo. sigurado mangingisay ang pisngi mo sa kakatawa. sigurado matatakam ang dila mo sa pagkain na nandon. siguradong sasakit ang vocal chords mo sa kakakanta, ke videoke man o magic sing, o kung wala, gitara. kung wla, palakpak na lang. sumabay na lang sa beat. parang bata na nangaaliw.

sa swimming na ganito minsan nagkakaayos ang mga kaibigang nag-away, nagkatampuhan, nagkasapakan, nagkabasagan ng siko. minsan pinagmumulan din ito ng away, pero madalang lang yon. may mga barkada naman kasi na aawat e. kaya magkakabati rin kayo. kaya nga mas malaki ang ratio nung una ko sinabi. kasi nga magkakabati rin kayo. dito rin namumukadkad ang mga relasyong hindi natin aakalain. magkakatuluyan, dahil sa outing. minsan magkakababy pa.

naaalala ko yung unang swimming na nakasama ko ang mga kaibigan ko sa school. closing party namin yun ng grade 6. excited ako nun. yun kasi ang unang swimming na lalangoy ako ng di ko kasama ang mga magulang at mga kapatid ko. nung pumayag ang mama ko, talon ako. parang 1980's na pelikula. yung magpopause pa ko sa hangin na nakataas ang isang kamay, ala mario, kasi ganun ako kasaya. tapos agad agad akong umakyat sa kwarto para magbaon ng isang brip at shorts na pagsuswimingan ko. nagdala ako ng extrang shorts. boyscout ako e.

binilang ko ang mga araw at ng dumating na, yes! ready!! oo, medyo nagbilang din ako ng panahon at hindi ko binalik yung brip at shorts na kinuha ko sa cabinet. pero dumating na rin to! tapos, ayun, may pool nga. agad naman kaming lumusong ng mga kabarkada ko. medyo lumalayo ako sa adviser ko noon kasi hindi naman talaga ako kursunada non e. sabit lang kasi ako sa section namin. madalas pa syang kumain ng barbeque na kahit sa pool meron syang hawak. baka kasi manundot ng barbeque stick e. masakit ang matusok habang nasa tubig ka. dun rin ako nagpasikat sa mga barkada at mga kaklase ko ng mga moves ko. oo may moves ako sa swimming dati pa. yung ilulubog ko ang ulo ko tapos lulutang ako na parang nalunod. likod lang ang makikita. hindi ko alam kung may pumansin sa kin. ok na ang ganon, kesa sa malaman kong alam nga nila, pinapanood lang akong lulutang lutang don at walang balak tulungan ako. at least pag inisip kong hindi ako napansin, alam kong labs nila ako. yung isa pang move, yung tatambling ako sa ilalim ng tubig. proud ako nun sa naimbento kong style. kaso masakit sa tenga kasi papasukan ng tubig. e syempre bilib sayo ang mga kaklase mo, ulitin mo na di ba? ayun. nalunod lahat ng buhay na bagay sa tenga ko. kung meron man. dapat pinapatent ko ang style na yon kasi nakita ko sa pelikulang Muro-Ami. ginaya na pala ang style ko.

paguwi ko nun, iba na ang kulay ko. kulay kamoteng kahoy na. alam kong nangitim na ko nagsuswimming pa lang ako kasi mahapdi na ang mukha ko.pero ininda ko lang kasi nageenjoy ako. nasa isip ko nun na ayoko na mawalay sa barkada ko kasi halos anim na taon ko rin silang nakasama. pero wala na akong magagawa. nakuha naming naggraduate at wala man sa isang dosena ang nakasama ko sa high school. ok lang yon. parte yan ng buhay.


MGA BAGAY NA MASASABI KO NUNG HIGHSCHOOL

sa high school naman, dito na magtatagpo ang iba't ibang porma ng utak. kung sa gradeschool, halos pambata pa ang gusto, at labanan lang ng talino at pagpapapansin sa teacher, sa high school iba na. pagwapuhan, pagandahan, pabanguhan... saka pa lang ang talino. iba na kasi ang pagiisip dito e. ito na yung time na, uy, dito nagkakilala ang magulang ko sa edad na to. o kaya, uy, nabasa ko ang kwentong ito sa Sweet Valley High, baka mangyari rin sa kin. o kaya ulit, uy! napanood ko na sa FLAMES ito. ito yung part na... mga ganun. in short, nagmamature na tayo. nawawala na ang interes natin sa paglalaro ng sipa, pagpipiko, pagchachinese garter at iba pa. Dito ka na rin kasi magiging aware sa sarili mo. pakshet may taghiyawat ako! o kaya, damn, iba ata ang amoy ng kili kili ko... magiging open ka na sa mga bagay na hindi mo man inisip nung bata ka pa at amoy tipaklong at talahib ka paguwi mo ng bahay. iba ako nung naghigh school ako. dito ko naisipang ibalance ang pagkatao ko at pag-aaral. iba nga lang ang balance sa akin. inuna ko pa rin ang natural kong pagkasiraulo kesa sa magrereview ako paguwi. hindi ko talaga masasabing inunahan ako ng impluwensya ng barkada para maging ganun ako nung highschool. kasi saka ko na lang nakasama ang mga barkada ko ngayon. mga unang parts kasi ng highschool ko, kasama ko ang future valedictorian, salutatorian at mga sumunod pa. so masasabi kong natural talaga akong gago.

Pareho pa rin ang buhay ko nung gradeschool. pagkauwi, manonood ng TV. tapos maghahanap ng magagawa sa labas. may iba nga lang na naupgrade sa pamumuhay ko sa HighSchool. Sa ngayon ay may tambay muna bago umuwi. either kwentuhan o kakain habang nagkukuwentuhan. Dito ko na inaraw araw ang pagkain ng fishball at kwekwek at chicken balls. Dito na rin ako nakakita ng hotdog na kasama sa binebenta ng magpipisbols. dati kasi fishball lang talaga. tapos nagkaroon ng kikiam. at dati piso mo lang apat na ang fishballs mo. ngayon piso mo iisang subo lang at mabibitin ka na ng sobra. Pero ngayon, wais na ko. hindi ako araw-araw katulad ng isang bata na masunurin sa halaga ng nagtitinda. ngayon medyo dinedehado ko na ang magfifishball. pati yung suki kong nagtitinda ng chickenball nakatikim rin sa kin ng panggagantso ko sa presyo. tayong lahat alam natin to. yung kakain ka ng kakain tapos kalahati lang ang babayaran mo. kung ang ilan, gagawin lang to pag nakarami na, ako madalas. as in. minsan masama na ang tingin sa kin nung suki ko. isipin mo yon. suki. masama ang tingin sa kin.

Sa panahong naghighschool ako, dito na nagumpisang sobrang maadik ang kabataan sa anime. so masasabi kong ang genre ng high school namin ay anime. naloko ako sa panonood ng Gundam Wing non. kaya hindi ko binabasa ang mga kuwaderno ko at pinupuno ko lang sila ng mga drawing ng gundams. Pero ito rin naman ang nakapagpaayos sa kin sa pagaaral ko. Labo no? pero totoo ito. bakit? kasi nung minsang pumunta kami ng mama ko sa megamall, nakakita ako ng malaking scale model kit ng paborito kong gundam. may kamahalan, parang nagpakain ka ng dalawampung tao sa Pizza Hut. pero pinangako ko na na aayusin ko ang pagaaral ko kung bibilhan ako non. syempre oo napagbigyan ako. at nagkaroon ako ng una kong model kit. isang Gundam Deathscythe Hell. Sobrang natuwa ako at napaghusayan ko na ang aking pagaaral. sabi ko sa sarili ko tama na ang isang gundam kasi maporma na ang kung anong meron ako at marami na maiinggit sa kin. at tama na dapat ang luho ko kasi nahihiya ako sa mama ko. parang kinailangan ko pa ng kundisyon para magayos ako. pinangako ko sa sarili ko na pagkatapos ng gundam na yon, wala na. to date, labinlima na ang gundam ko. lahat malalaki. pano nangyari yon? minsan mahirap sumunod sa sarili.

Sabi ng mama ko, sa highschool ko na malamang makikilala ang mga kaibigan ko hanggang sa tumanda ako. Masasabi kong totoo nga yon. kasi pag sinabi mong kaibigan, isa sila sa mga unang maiisip mo. siguro dahil dito ang age na maoopen na ang isip natin sa mga bagay na masasabi nating katotohanan. kumbaga dito na tayo magkakaisip. sila na ang makikilala natin sa time na maoopen na tayo sa totoong buhay. kaya masaya ako na ang mga barkada ko ngayon ay mga flip. flip na may saysay kasama.

Nung unang araw ko sa highschool, wala akong kilala. Sobrang nababato ako kasi wala akong makausap kasi nandun ako sa may dulo. Yung mga kilala ko na galing sa gradeschool ayaw ako tabihan. O kaya kasi may ibang mga nakaupo na. Huli rin kasi akong dumating non. Nung dumating ang adviser namin, na unang nakilala ko nung orientation pa, inilagay na kami sa alphabetical order na may combo pa ng parang snake figure para salit-salit pa rin. Nakatabi kong una si Ronald. Seryosong tao to a... Sabi ko. Sinubukan ko kausapin pero laging ilad ang mga sagot. Hindi ko makakasundo ang taong ito. Sinubukan ko kausapin ang katabi nya. Nasa harap ako kaya wala akong choice kundi subukang makipagkaibigan sa mga taong hindi ko kilala. Si Harvy Joy yung isang kinausap ko. Sus... mukhang walang alam. Walang kwenta ang taong ito sa talino ko. Pero kinausap ko pa rin. Mahina na nga mag-isip ang tao papabayaan ko na lang bang walang kausap? Syempre hindi.

Dumating ang oras na ipapakilala namin ang sarili namin sa harap ng buong klase. Dahil nandun ako sa pinakahuling row, isa ako sa mga huling tumayo. May mga hinintay talaga akong talambuhay, usually babae dahil syempre, bata pa ko nun at interesado ako. Hehe... pero nung ako na, hindi ko alam kung bakit, pero sinabi ko yung linya ni Eddie Murphy sa Coming To America na "When you think of garbage, you think of me!" Siguro gusto ko lang talaga makakuha ng tawa. Me nakuha naman ako ng konti. Siguro dahil unang section to, oo, napunta ako sa unang section, hindi sila masyadong interesado sa mga nagpapatawa sa klase. Ayus na ko siguro dito.

Nung nagpakilala na ulit yung adviser namin, si Ms. Sagmit, napangiti ako sa apelyido nya. Sagmit... Rivera! Isagmit mo na ang project mo... Natawa ako kasi ang korni ko magisip nung oras na yun. Pero ingglish teacher pala namin sya. So magaling sya sa speech, phonetics at transitive verbs. I should really learn some foreign language from this beautiful lady, I said to myself. Or else I'm gonna get hit in the buttocks by my father. I mean, it's only ingglish and I can't even pass the subject. I wonder if I will learn anything about foreign languages... Oh well, it's not like I'm going to another country anyway...

Masaya ang unang taon sa high school. Ang susunod na kwento ay ilang beses ng narinig ng mga kaibigan ko, at ilang beses ng nakwento ng maraming tao. Pero for your comfort, ikukwento ko na ulit. Ito ang kwento na adventure ko sa Guidance Office kasama ang mga barkada ko.

Nung may natanggal na mga estudyante sa section namin dahil sobra daw kami sa bilang, may nadagdag naman. Si James Carl. Hindi ko naman siya pinansin dati kasi mukhang ok naman. Narearrange kami ulit kasi nga may mga natanggal. Ngayon malapit sa kin ang mga taong alam kong hindi ko makakabarkada kahit kailan kasi hindi pareho ang vibes namin. Si Ron at si Benjo. Lalo na yung Benjo!! Hindi ko maimagine na magiging kaibigan ko yun! Anyway, ayun, kinausap ko pa rin. Hehe.. tapos nung nandun kami sa class ni Mr. Manuntag, na naging teacher pa ng tito ko at ng tatay ko, at ng kuya ko at ng kapatid ko ring bunso eventually, bilang assignment ay pinagdala kami ng basahan kasi nasa jungle part kami ng paaralan at kailangan namin ng panlinis. Dahil sobrang class-a student ako, alam nyo na. Hindi ako nagdala at nagpawis ako ng walang tigil kinabukasan. Naghingi ako kay Benjo na tapete ata ng mesa nila ang dinala nya kasi anlaki! Masaya ako. Meron akong malinis, maputi at soft na basahan na ready na ibigay kay Mr. Manuntag. Ngayon itong si James Carl, sa hindi ko maintindihang pangyayari, hiniram ang basahan kong malinis, maputi at soft. At ako naman, sa hindi ko rin maintindihang pangyayari, ay ibinigay ko. Wrong choice man. Kasi nakita ko na lang na pinamunas nya ng sapatos nya ang basahan kong malinis, maputi at soft. Nainis ako to the nth power! Hindi na ko nagsayang ng oras at hinablot ko ang aking malinis, maputi at soft na basahan sa kamay nya. Hindi na ito malinis, maputi at soft tulad ng dati. Kulay basahan na ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling. Wala na akong oras para humingi pa sa iba dahil tapos na ang morning prayer namin. At agad hiningi ang mga basahan!! Kinabahan na ako at nagpawis kasi hindi ko matanggap na magpapasa ako ng basahan ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling. At wala akong panyo!!! Hindi ko maisip na ipampupunas ko sa mukha ko ang basahan ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling! Tapos, ayun na, tinawag na kami isa-isa. Nung ako na, inilahad ko kay Ginoong Manuntag ang aking basahan ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling. Tinignan nya ko. Alam ko ang tingin na yon. Nasa gitna kami ng jungle at alam kong ipapalapa na nya ako sa jaguar nya. Pero hindi. Sinigawan lang ako na bakit ganun ang ipinasa nya ko. Ano raw sa tingin namin ang gagamitin namin don. Sasagot sana ako na dudumihan namin sa paglilinis pero baka mamangha sya sa talino ko. Hinablot nya sa kamay ko ang basahan ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling at tinapon sa swamp sa likuran. Ngayon hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa basahan ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling ko, pero malamang nagmukha na yong basahan ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling na may algae.

Napikon ako kay James Carl mula ng araw na yon. Itinanim ko ang galit ko at araw-araw ay tinawag kong "basahan ng sapatero na ipinambalot sa morkon na may uling" day. Laging masama ang tingin ko sa kanya. Isang araw, sa same class namin kay Manuntag, naghingi si Benjo ng papel sa kin. Wala akong papel nun pero meron akong scratch notebook na gagawin ko sanang scratchbook ko para sa aking dinedevelop na comic character. Alam nyo na, yung mga mumurahing notebook na may artista sa harap. Ibinigay ko sa kanya at nagdrawing siya. Nung nagkaklase na kami, ibinigay nya sa akin ang notebook. Nakadrawing sa loob ang isang caricature ni James Carl. Hahaha.. natawa ako. Walang makapigil sa min nun kasi nasa pinakalikod kami. Kumbaga kung umatake ang mga leopard at king cobra kami ang unang malalapa ni Benjo. Dun na nagumpisa ang "The Notebook." Oo, kami ang may original idea ng "The Notebook." Hiniram lang ni Nicholas Sparks.

Puro James Carl ang dinodrowing namin. Siguro nagsawa na rin si Benjo. Dinagdag niya si Edwin, pointguard daw ng Apalit Air Polluters. Joke kasi kay Edwin nun e may amoy ang kanyang Rexona area. Nagkaroon noon ng rearrangement sa isa namin subject kasi ayaw nung prof namin ang seating arrangement namin. Sa lane ko, ako sa tabi ng bintana, katabi ko si Jessa, tapos si Ronald, tapos si Jesy, tapos si Benjo. Nakikiusap kami araw-araw sa mga babae na kaming mga guys ang magkakatabi muna. Dun na pumasok ni Ronald sa "The Notebook." Inayos nya ang mga characters namin at nagpasok pa ng mga panibagong characters. Umabot sa oras na bili na ako ng bili ng panibagong notebook. Nagkaroon na ng sequel ang notebook namin na ang mga laman ay usually movie posters kuno ng mga spoof movies na characters namin ang bida. Umaabot pa ito sa kabilang section dahil nagkaroon na kami ng fans. Hindi rin lang tungkol sa mga characters namin ang laman nito. Meron ding mga advertisements tulad ng Peni-Chef ni Ronald. Look Ma, no skin!!

Umabot ito kay James Carl, na ngayon ay kilala na bilang Samanong. Sama ng sama, pero manong. Sa mga taong hindi alam ang ibig sabihin ng manong, ito yung... uhm... corny... yung... baduy! yun!! ganun yun! Tapos sama ng sama sa min. Kinuha nya yung recorded tape ko ng COde Red na pinatungan ko ng mga kantang dedicated sa kanya. At kinuha nya ang iilan sa mga notebook namin. Hindi namin alam yun hangga't hindi nya tinapon sa min na may mga pintura na sa mga pahina na parang pinakialaman ni Joker dahil may iba-ibang HaHaHa haHaHA HAHAHAHAhahaAhahaaA... Tapos hinamon nya kami sa harap ni Ms. Sagmit. Iba na ang naramdaman ko non. Hindi ako pumasok sa highschool para kausapin ng adviser ko.

Dumating ang araw na biglang sinabi ni Ms. Sagmit na maguusap kami sa lunchbreak. Ako lang, at siya, at si James Carl. Shet, ako lang ba ang may sala? Pero naging matapang ako. Humarap ako ng buong puso sa adviser ko. Pero nung sinabi lahat ni James Carl ang mga nagawa namin, ayos, speechless ako. Nakikita ko ang mga barkada ko na nakasilip sa bintana. Parang nagiisip ng modus operandi na bubukas bigla ang kisama at bababa si Benjo na nakasuspended wire at hihilain ako patakas dun. Pero sumuko na lang ako. Masyadong mahaba ang listahan ni James Carl. At guilty kami lahat dun.

Pero akala nyo natapos na ang lahat don? Hinde a! Me special operations na nangyayari. Nasira ang mga notebook, oo. Pero hindi lang isandaang piraso ang notebook ang ginagawa sa isang buwan. Bumili pa rin ako ng mga notebook at gumawa pa rin kami. Palihim lahat. Pero ang drawing, pwedeng isikreto. Ang mga salita ng bibig hindi. Nagkalat ang rumors na may mga panibagong edition ang notebook. Pero kahit naman walang may alam nun, dinodrawing pa rin namin sa blackboard pag lunch ang big scale editions ng mga laman e. Hehe... so ayun, nalaman na ulit ni James Carl. At may pangalawang meeting na. Ngayon, ako, si Ronald, at si Benjo na ang kasama. Hanep. Wala na si James Carl. Pero matinding sermon ang inabot namin. Pero sermon talaga yun kasi puro stupid na ang naririnig namin galing kay Ms. Sagmit. Pero pag papakita nya kung ano ang ikinastupid ng mga gawa namin, nangingiti na lang kami. Kahit sobrang tension na ng moment natatawa pa rin kami sa mga ginawa namin. Nadala tuloy ang mga notebook sa Guidance Office.

Matapos non, wala na. Kahit bumili pa ko ng isang notebook, hindi na namin malamnan ng idea. Time to move on na. At kailangan ko ng magaral ng mabuti dahil yung Harvy Joy na yun e medyo nalalamangan na ako sa mga grades. Nakakakuha ako ng average na 80 habang sya e 95. Close fight pa naman e.

Umabot na sa point na unang araw na ng second year namin at hahanapin ko ang section ko. Syempre titignan ko agad sa first section. wala. Shet, wala ako sa first section! Magagalit ang mga magulang ko! Ok lang yan. Third section naman ang kuya ko e. Second section. Wala rin. Hanep. Baka destiny naming maging pareho ng section ng kuya ko. Third, my very trusty section. Wala. Anak ng kalungkutan. Sinabi ko sa sarili ko, pag wala pa ko sa fourth section pangit ako. Ayun! Nandun na ko sa fourth section! Hanep! Saya ko! Pero hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa magulang ko.

Naging buhay ko nung second year ay maghihintay sa labas ng classroom ng mga higher section kong mga barkada. Mas maaga kami lumalabas sa mga breaks at out kasi obviously, mas kailangan nila ng mas matagal na leksyon. OK lang sa kin yun kasi kung nakikita nila ako na kumakain ng kung ano, gagawa na ng gulo sa loob para lumabas na sila. Dito na kami naopen sa mga relationships. Actually, sila lang. Wala naman akong interes dyan e. hehe..

Siguro nainggit na talaga ako sa mga taong may PlayStation noon. Kasi ang akin lang ay yung family computer na naninira ng kula yng TV e. Sinabi ng mama ko na kapag nagrank 1 ako, bibilhan nya ko ng PlayStation. Doon ko nakita ang advantage ko. Ito ay ang fourth section mga kaibigan. At kung nagayos lang ako ng aking pagaaral, kaya kong lampasuhin ang mga to. Rank 1, here I come!!!

Lumanding ako sa rank 7.

Pero paguwi ko, kung ano ano ang pinagdugtong dugtong ko para maniwala ang mama ko. Sinabi ko ang totoo. Malapit lang ang average ko sa Rank 1 namin. .87 lang ata ang pinagkaiba. Well, 1.87... pero kahit na! To be rank 7 out of 40 people... di ba? not bad! So ayun, isang araw na naliligo ako, nakauwi na ang mga magulang ko galing Megamall. Nakatapis akong nagmano at nagoffer ng tulong para magbuhat ng mga pinamili, pero inabot sa akin ang isang plastic. Mabigat at malaki ang kahon. Iba na ang mukha ko pagsilip ko sa loob. Nakita ko ang mga letrang PlayStation sa kahon. Nagtatalon ako kahit na nakatapis lang ako. Agad agad akong nagbihis at sinet-up namin ng tatay ko ang aking PlayStation Unit.

Noong second year din ako nauso ang cellphone. 3210 ang ipinagmamalaki ng mga mayayaman kong kabatch noon. Inisip ko, please. Ayaw ko naman ng cellphone. Hindi ko kailangan yan. Chaka as if naman na magkakaroon ng colored cellphone balang araw na pwede mong malagyan ng sounds at laro. Sus! Nangarap pa ko.

Naweirdohan talaga ako sa isang teacher ko noon. Ewan, pinagmamalaki nya lahat ng nangyari sa buhay nya. Tapos ipapahula pa nya ng kulay ng brip nya sa yo. Oo. Araw-araw ganun. E sasabihin naman nya na kung anong kulay ng suot nya, yun din ang overalls nya. Ilang beses din nyang tinanong sa exams yun. Ilang beses din akong sumagot ng gray, green, kulay chicharon (na mali) at ang paborito nyang mocha. Pero hanep magdiscuss si Mr. Color Combination. Agad ko naiintindihan kasi kumpleto sya ng visuals mula sa laruan hanggang sa drawing.

Noong third year na ko, fourth section pa rin ako. Hindi ko na patatagalin. Grumadweyt akong fourth section sa highschool. Pero rank 7 lagi. Sumpa ata sa kin e. Dito ko na naexperience ang Prom. Nagarkila kami ng coat and tie ng mga barkada dun sa kaibigan ng mama ko. Nagsisi lang kami kasi parang amoy lupa pa ang mga nakuha namin at may konting libag pa ng bangkay ang mga inner shirts.

Nakasakay kami non sa sasakyan ng barkada ko. Syempre hassle kung nakalongsleeves kami tapos nakapedicab at jeep lang kami papuntang prom. Tapos sobrang pawis kami nun kaya nagpahinga muna kami dun sa bahay nung kaklase namin na malapit lang don. So pumasok na kami. Nakapila ng matagal sa labas at mukha kaming zombie na sinuklayan at pinaliguan sa damit namin. Syempre, yung mga may date, may kasama. Yung may mga syota na, required makasama. Ako solo flight. Aware na ako sa mangyayari sa kin kinagabihan. Nakanganga na lang sa mesa, nagbabantay ng bag at gumagawa ng kung ano anong origami sa mga napkin sa mesa. Pero hindi naman entirely spoiled ang gabi ko kasi maraming pagkain na hindi kinain sa kabilang mesa. Ayun, pinakyaw ko na lang. Although masasabi kong "lonely" ang prom na nangyari sa kin. Kahit kasi yayain ako nararamdaman ko na compassion lang na alok yun e. Sabi ko enjoy na lang sila.

Kinagabihan, natulog kami sa bahay ng kaklase ko. Masaya naman kasi magkakasama kami. Pero langya, sumakit ang tyan ko sa roast beef na pinakyaw ko! Nun ko lang nalaman na wag na wag akong kakain ng baka kapag handaan na ganyan. Kasi every succeeding na kain ko ng ganun sa mga sumunod na okasyon, nagrereklamo ang tyan ko.

So yun na, sabi ko sa kaklase ko maliligo lang ako. Pero hinde! Binendisyunan ko na ang banyo! Mga stealth moves pa ang ginawa ko para wag lang marinig ang mga bagyong lumalabas sa puwit ko. Pero may nakatagong microphone ata sa kubeta nila kasi maski bulilit na hangin lang ilalabas ko, parang nageecho sa yungib ni Big Foot ang tunog. Alam ko narinig nya yun pero wala na lang ako reaction paglabas ko.

Nung nasa kwarto na lahat kami, guluhan na. As usual sa mga magbabarkada na nagoovernight. De film pa ang mga camera nun at hindi namin nadala ang kahit anong camera na binilhan pa namin ng film, kaya ginamit na lang namin nung nagovernight kami. Napagod na lahat lahat, hindi na namin alam kung anong oras kami nakatulog.

Alas sais kinabukasan, maaga akong nagising. Sumilip ako sa baba, gising na rin si Ronald. Sumilip ako sa ibang natutulog, tulog pa rin. Lumabas ako at nilanghap ko ang maalikabok na hangin dahil nasa harap nila ang main road. Hinintay na lang silang gumising.

Paggising ko ulit, nagiinternet sila. Isa sa mga libreng connections ng dial-up dati. Glitch ng system. Kung ano ano na lang ang tinignan namin sa net nun. Tapos, napagusapan na lang namin na manood ng Cast Away ni pareng Tom Hanks. Syempre, ayun, magisa na naman ako sa sinehan, sila may kasama. Pero at least natuwa ako sa pinanood ko. Hehe...

Nung fourth year na ako, lagot na. Ito na yung magsi-CAT na kami. At hindi ko lang alam kung bakit, or dahil lang kaibigan namin yung Provost Marshall, napunta kami sa Elite Forces. Oo, maporma kami tignan. Araw-araw kami nagtetraining at kami ang model platoon kada sabado. Marami ring naakit sa aming angking kagalingan pero bandang huli hindi rin kami nagtagal. May discrimination din naman kasi e. Kami na ang laging napapagod wala naman kaming benefits. So para makakuha kami ng grade, pumasok kami bilang propsmen ng staged play namin na The Little Mermaid. Aamin ako, nung narinig kong Little Mermaid ang gagawin, iba ang naisip ko. Hehe... Pero dun na muna ko sa pagkapropsman ko magkukwento.

Kasama ko pa rin ang barkada kong art oriented. At wala kaming ginawa sa unang linggo na lagi kami pinupullout kundi tumambay at manood ng Little Mermaid na VCD. Tapos, pinaconceptualize sa akin si Sebastian, yung talangkang alimango na lobster na may pagkahipon... Agad ko inisketch ang mga kamay nya dahil gusto ko maipakita na posibleng makagawa ng working claw para sa gaganap na Sebastian, yung talangkang alimango na lobster na may pagkahipon.

Walang nangyari sa pagbabalak ko at nagpintura na lang ako ng payong para gawing jellyfish.

Bandang huli, nakarami na sila. Ako lagi lang ansa canteen, kumakain ng banana cake at kasama pa ko sa Choir kaya hati pa rin ang oras ko. Nagsimula na ang palabas. Pagkatapos ng unang show, na aminado akong palpak, pinagsesermunan kami nung badush na choreographer na sinabing tataas ang grade namin sa english pero hindi naman. Sabi nya ayusin namin ang susunod na palabas kundi... ewan ko... nakalimutan ko na e. Tapos nilagay ako sa tagapaypay nung bubble machine. Hanep! Makakanood ako ng show na mas malapit pa sa first-class seats. Nangawit ako sa kakapaypay oo. At hindi naapprove ang request ko ng electric fan. Magtrabaho naman daw ako.

Along the way, nagkaroon kami ng staged play sa simbahan. Kami ring kasama sa play, pero ngayon may role na kami. Miss Saigon ang ginawa at isa ako sa mga sundalo. Kinailangan ko magyosi at uminom ng beer. Isa lang ang linya namin, "The heat is on, Miss Saigon." Pero narinig namin dun kay badush choreo na kung nahihirapan bigkasin ang mga letters, gamitin daw yung Watermelon na word kasi kumpleto ang buka ng bibig. Malay naming sa mga principal cast lang yun. Kaya nasermunan kami nung paglarga nung practice at kinanta namin ay, "Watermelon, Miss Saigon!!!"

Magandang role ang nadatnan ko sa Miss Saigon. Ako yung sundalong lasing na nanalo ng dalawang babae. Hehe, syempre gentleman ako at hindi ako nangakbay. Pero pinagsisisihan ko rin e. Hehe.. Yung beer namin hindi namin ininom, pero pinangunahan ni Ronald yung iaalog yung bote ng beer at mambasa ng audience.

Pagbalik namin sa Little Mermaid, ayun, may role na ako. Pari na ako na hindi ko dapat alam ang gagawin ko. Madali lang ang role ko kasi hindi ko pa rin alam ang gagawin ko kahit ang role ko ay hindi ko talaga alam ang gagawin ko. Ang gulo no? Kahit ikaw siguro hindi mo alam ang gagawin mo pag nabigla kang bigyan ng role na dapat hindi mo alam ang gagawin mo.

Dumating ang time ng pangalawang prom ko. As usual, wala pa rin akong kadate. Pero mas masaya na ako ngayon kasi yung ibang kasama ko wala na rin kasama. At nakasayaw ko na lang sa mga happy sayawan ang mga prof ko. Pag love music na out na ko. Nagpapak na lang ako ng roast beef. Ay shit!!

Mabilis lumipas ang mga araw. Hindi namin napansin na maaga na kaming mageexam at magpapractice na ng graduation. Ayun na nga, at nandun na kami sa covered court ng high school. Kaming lahat magkakasama doon. Pero wala ang utak ko sa graduation. Kasi nasa college exams na ang pagiisip ko. Nagapply kasi ako sa Ateneo. Pero hindi na tumawag ang admissions department nila. Damn you, Ateneo! Hehe, jok lang... masaya naman ako at nabibisita kita paminsan-minsan pag gusto ko ng tahimik na lugar.

Nung time na nagexam ako sa FEU, hindi ko alam kung papasa ako o hindi. Pero ginawa ko lahat kasi gusto ko mabilis ako matapos at mas excited pa ko lumibot sa mga malls sa Manila kesa sa magcollege ako ng maayos. Nung paglabas ko, nakita ko na ang tatay ko na naghihintay. Tinanong nya ko kung saan ko gusto pumunta. Isa lang ang alam kong lugar- kahit anong mall. Kasi nababaliw ako sa kwento ng kuya ko na nakakita na sya nung Green Goblin na laruan na movie version. Namroblema pa ko kasi P350 yun at P50 lang ang pera ko. Kaya ayun, nagiisip pa ko ng ways para makadiskarte pa ko kay ama ng tatlundaan. Pero nakakuha na ko. Masaya na ko. Hehe..

At graduation na. Nakatoga na ko na puti at excited na ng sobra. Hindi na ito katulad nung graduation ko noong gradeschool na nahuli pa ko at kasabay ko nag-bow ang mga section 1 students. Ngayon iba na. At ito na rin marahil ang huling araw na kasama ko araw-araw ang mga barkada ko. Pero kailangan ko na namang tanggapin ang panibagong katotohanan.

Sa kuhanan namin ng report cards, dinala ko yung polo ko na hindi ko nagamit. Nagdala rin ako ng pentelpen. Pinapirma ko ang lahat ng kilala ko sa polo na yon. Enjoy ako kasi lahat ng mga naging special sa buhay highschool ko nakasulat doon. Ngayon, ang polong yun ay nakasabit sa cabinet ko at dadalhin ko yon sa pag-alis ko ng bansa.

Sa huli, tinignan ko ang mga naging souvenir ko sa highschool. Yung polo ko, mga sulat galing sa mga kaibigan, isang notebook na hindi nakumpleto (nailigtas mula sa Guidance Office), yung Bulletin Board namin na ikinapanalo ng section namin, mga class pictures at iba pang mga treasured memories na talaga namang masarap balikbalikan. Pero ito na ang huli at hindi na ko magha-highschool ulit. Ito na lang ang mga bagay na magpapaalala sa akin na minsan ako ay naging magaaral ng sekondarya at dito ko nakilala ang mga barkada ko.

MGA BAGAY NA MASASABI KO SA COLLEGE

Nung nalaman namin ng kuya ko na mapapaaga pala ang pasukan namin, kinailangan naming maghanap ng isang apartment. Kahit papano na isang linggo na lang ang nalalabi naming bakasyon, naexcite kami kasi magkakaroon kami ng sarili naming tirahan sa Manila. Nakahanap ng ad ang aking ina sa classified ads sa Inquirer at tinawagan kaagad. Noynoy ang pangalan ng sumagot. Titignan daw kinabukasan ng mga magulang ko. Ako naman, ginamit ko na ang mga natitira kong oras sa bakasyon sa paggawa ng mga portfolio ko dahil alam kong kakailanganin ko ito sa pagapply ko sa Fine Arts.

Nung dumating ang oras na unang gabi na namin sa apartment, napakablanko ng nakita naming studio-type na kwarto kasi walang TV, walang kung anong palamuti, walang magawa. Nagtawanan na lang kami ng kuya ko. Walang magawa e. Hehe... kung sanang may mall na itatayo sa malapit mas ok pa. Pero pangarap lang namin yun. Natulog na lang ako ng maaga.

Kinabukasan, hindi ko na alam kung ano ang mararamdaman ko. Unang araw ng kolehiyo na ito. Ito na marahil ang huling apat ng taon ko bilang magaaral. At hindi ko alam kung malamig ba ang tubig sa shower pag naligo na ako. Pero nauna na ako sa kuya ko kasi alas syete ang pasok ko. Malamig ang tubig, sobra. Pero ininda ko na lang at kailangan ko maligo at tinatamad akong mag-init ng tubig.

Paglabas ko ng gate, sinunod ko ang sinabi ng kuya ko. Kumanan ako tapos maglakad papuntang Tayuman at doon sumakay ng LRT papuntang Doroteo Jose. Tapos pagbaba ko doon, maglalakad ako papuntang FEU. Isang napakahabang alay-lakad. Ganito ang routine ko araw-araw. Ilang buwan din akong ganon.

7th floor ang ona kong kwarto. Room 701. Dito ko makikilala ang mga taong makakasama ko sa unang pagtapak ko sa kolehiyo. Sira ang elevator kaya tinahak ko na lang ang hagdan. Pagdating ko sa katapusan ng snake road, nakita ko na ang kwarto ko. Marami ng tao. At hinihingal pa ko.

Pagpasok ko, tinignan kaagad ako ng madla. Ako ang pinakakakaiba sa kanila kasi ako lang ang naka-uniform. Ayos a, sana pala sinuot ko na lang ang mga matindi kong Giordano shirts at Lacoste na sapatos. Pero wala na akong magagawa. May iilan namang mga nakauniform e. Kaso babae. Dumeretso ako sa may bintana kasi doon na lang ang may bakante. Sakto lang pumasok ang prof ko. Nagwiwikang banyaga. Hanep, unang subject ko ay ingglish spokens. Hindi na sya nagpadaluy-daloy pa. Natuwa ako kasi walang ek-ek na tatayo ka sa harap at introduce mo ang sarili mo at pano ka konektado sa pamilyang Marcos. Kaso, naghingi sya ng 1/8 sheet of paper at ilagay daw namin ang pangalan namin, section, course at expectations from the subject at professor. Course? Oo, course. Kasi ang mga hati pala sa section ay kung science o non-science ang course mo. So tinignan ko na naman ang mga strangers sa paligid ko at inisip kung anong kalokohan ang kinuha nilang kurso.

Pero hindi yun ang problema ko talaga. WALA AKONG PAPEL!! Malay ko bang kailangan naming magdala ng yellow paper sa unang araw. Nasanay kasi ako na wala namang ginagawang sa unang araw ng pasukan. Tumingin ako sa mga strangers sa likod ko. Alam na kaagad ng isa kung ano ang tingin ko na yon. Sabi nya, hati tayo. Salamat na lang ang nasagot ko tapos nagpakilala na ko. Sabi nya siya si Reggie. Kamukha ni Tobey Maguire pero pinanganak sa Pilipinas. Ayun! Masaya na ako. Pangalan, ok. Section, A1. Hanep ang section ko no? Akala ko unang section ako. Yun pala depende sa enrollment. Pero dun pa rin ako sa matalino ako at unang section ako. Naniwala na ang mga kaibigan ko doon e. Hehe...

Course... Fine Arts... Sarap pakinggan. Maporma at pag may nakakarinig iba ang tingin sayo. Kasi alam nila iba ang dating ng pagiisip mo at magaling ka magdrowing ng nakabold. ehe... Sa expectations kung ano ano na lang ang tinahi-tahi ko.

Ayon, akala ko wala na. Pinasa namin ang mga papel namin tapos rinambol ni prof. Tapos, ngumiti at nagsalita na. Sir Lacsamana ang pangalan. Tapos sabi nya bago raw siya magpakilala, kami muna. Tapos nagbunot na ng mga pangalan. Marami akong tinignan na mga taong galing pa sa iba't-ibang sulok ng bansa. Nag-aral pa sila sa Manila. Iba talaga ang hatak ng lugar na ito. Tapos, yung mga courses nila ang naging problema ko. Ambibigat! Accountancy, MassCom, at kung anu-ano pang nakakadegrade na lang sa pagkatao ko pag sinabi ko sa kanila ang course ko. Mayroon ding valedictorian, salutatorian, tatlutatorian (hindi ko alam kung ano ang tawag sa pangatlo e).. Tapos ako ay pangpito lang, fourth section pa! Meron na may family business, second-course takers, may nagmamanage na ng restaurant, may nagbebenta ng dried mangoes sa bus.. Tapos tinawag na ako. Nanlamig na ang katawan ko. Tapos, tumayo na ako. Buti hindi sa harapan. Tapos tinanong na ako kung ano ang course ko. Lumunok na lang ako. Advertising. Sabi ko. Major ko naman yun e. Medyo nakakahiya na rin kasi kung Fine Arts ang sasabihin ko. Tapos sinabi nga ni Sir, Aah, Fine Arts... tapos tumango ang mga kaklase ko. Alam ko ang mga tango na yun e. Yun ang tango na ibig sabihin ay magagamit ka namin kapag may mga project tayo na kailangan ng drawing. Tapos, nagkaroon na ko ng konting lakas ng loob mula noon kasi wala naman silang pakialam sa akin pagupo ko. Hehe...

Sa college ako nakaramdam ng pagiisa. Wala dito ang mga barkada ko na nahihingan ko ng tulong at suporta kapag may gusto akong gawing mga bagay-bagay. Pero naisip ko, sino pa ba ang tutulong sa kin kundi ang sarili ko di ba? At alam ko marami naman akong magiging kaibigan dito. Panibagong pahina lang to ng buhay ko at kailangan ko itong sulatan ng panibagong kwento.

***itutuloy pa***

No comments: